Ang Inahing Manok at ang kanyang mga sisiw
Sa silong ng isang puno ay may naninirahan na isang inahing manok na may anak na limang sisiw. Masayang masaya sila roon kasama ang iba pang mga hayop tulad ng ibon at bibe.
Isang araw, ang inahing manok at kanyang mga sisiw ay pumunta sa palayan upang maghanap ng pagkain. Nang makarating na sila sa palayan ay agad na kinain ang mga butil ng palay na kanilang nakita. Habang sila ay kumakain bigla namang nag sungit ang panahon kaya naman na isipan ni inahing manok na umuwi na lamang sila.
Naglakad nang mabilis ang inahing manok kasama ang kanyang mga sisiw hanggang makarating sila sa kanilang tirahan, ngunit hindi naman alam ng inahing manok na nagtago ang isa nitong anak sa may palayan.
Maya-maya ay napansin niya na kulang ang kanyang anak na sisiw kaya bumalik siya sa palayan upang hanapin ito, iniwan naman niya ang apat niyang anak na sisiw sa puno na kung saan sila nakatira. At nang makarating ulit siya sa palayan ay nakita niyang kumakain pa rin ang kanyang anak, tinawag niya ito at nagalit ang Inahing manok.
Sa pag-uwi ng Inahing manok at nang kanyang sisiw ay tumakbo na lamang sila, habang sila’y tumatakbo hindi nakita ng sisiw na may natutulog na pusa sa gilid ng daanan kaya naapakan niya ang buntot nito. Galit na nagising ang pusa kaya hinabol sila. Huminto naman ang Inahing manok at hinampas niya ito ng pakpak sabay ng pag kahig nito at pagkatapos tumakbo sila ng mabilis sa ibang daanan na may mga halaman upang hindi sila mahanap ng pusa.
Bumuhos na ang ulan at hindi na nila nakita ang pusa. Samantalang, basang-basa namang nakauwi ang inahing manok at ang kanyang sisiw. At nang magkakasama na ulit ang limang sisiw nitong anak ay pinagsabihan niya ang mga ito na lagi nilang pakikinggan ang lahat ng kaniyang sasabihin.