Linggo, Agosto 2, 2015

Ang Inahing Manok at ang kanyang mga sisiw

Ang Inahing Manok at ang kanyang mga sisiw

Sa silong ng isang puno ay may naninirahan na isang inahing manok  na may anak na limang sisiw. Masayang masaya sila roon kasama ang iba pang mga hayop tulad ng ibon at bibe.

 Isang araw, ang inahing manok at kanyang mga sisiw ay pumunta sa palayan upang maghanap ng pagkain. Nang makarating na sila sa palayan ay agad na kinain ang mga butil ng palay na kanilang nakita. Habang sila ay kumakain bigla namang nag sungit ang panahon kaya naman na isipan ni inahing manok na umuwi na lamang sila.

Naglakad nang mabilis ang inahing manok kasama ang kanyang mga sisiw hanggang makarating sila sa kanilang tirahan, ngunit hindi naman alam ng inahing manok  na nagtago ang isa nitong anak sa may palayan.

 Maya-maya ay napansin niya na kulang ang kanyang anak na sisiw kaya bumalik siya sa palayan upang hanapin ito, iniwan naman niya ang apat niyang  anak na sisiw sa puno na kung saan sila nakatira.  At nang makarating ulit siya sa palayan ay nakita niyang kumakain pa rin ang kanyang anak, tinawag niya ito at nagalit ang Inahing manok.

Sa pag-uwi ng Inahing manok at nang kanyang sisiw ay tumakbo na lamang sila, habang sila’y tumatakbo hindi nakita ng sisiw na may natutulog na pusa sa gilid ng daanan kaya naapakan niya  ang buntot nito. Galit na nagising ang pusa kaya hinabol sila. Huminto naman ang Inahing manok at hinampas niya ito ng pakpak sabay ng pag kahig nito at pagkatapos tumakbo sila ng mabilis sa ibang daanan na may mga halaman upang hindi sila mahanap ng pusa.

Bumuhos na ang ulan at hindi na nila nakita ang pusa. Samantalang, basang-basa namang nakauwi ang inahing manok  at ang kanyang sisiw. At nang magkakasama na ulit ang limang sisiw nitong anak  ay pinagsabihan niya ang mga ito na lagi nilang pakikinggan ang lahat ng kaniyang sasabihin.


Martes, Hulyo 28, 2015

Ang Kapre sa Puno ng Akasya

Ang  Kapre sa Puno ng Akasya

Sa barangay Balawarte, Agoo La Union ay may kumakalat na isang balitang may nakatirang kapre sa isang malaking puno ng akasya. May mga taong naniniwala sa balitang ito ngunit mayroon ding mga taong hindi naniniwala  rito katulad na lamang ng mga anak ni Aling Ana na si Christian 17 taong gulang at si Micah naman 15 na taong gulang. Sabi ng mga tao sa kanilang barangay ay madalas na nakikita ang kapre na naghihintay ng mga taong dumaraan upang takutin ang mga ito. Kaya naman palaging sinasabi ni Aling Ana sa kaniyang mga anak na huwag silang magpapagabi.

“Kring! kring! kring! Mga anak gising na lunes ngayon at may pasok pa kayo. Ikaw Christian, nababarkada ka na napapansin ko na madalas kanang gabihin sa pag-uwi . Sige bumangon na kayo at maligo” Matapos magbihis at mag-almusal sina  Micah at Christian ay pumasok na sila sa kanilang paaralan.

Nang makaalis na ang mga anak ni Aling Ana at Manong Berto, kinuha ni Berto ang kaniyang  palakol at pinutol ang mga mababang sanga ng punong akasya.

“Ano ba yan Berto! Bakit mo naman pinutol ang ibang sanga ng punong akasya hindi ba’t sabi  nila na may nakatirang kapre diyan. Sana nagpaalam ka muna diyan sa puno bago mo putulin ang ibang sanga nito.”

“Masyado na kasing mababa ang ibang sanga nito kaya napag-isipan kong  bawasan ito. O, siya walisin mo nalang ang mga nagkalat na dahon at pagkatapos ay magpahinga na tayo”

Nakalimutan namang magpaalam  ni Micah sa kaniyang magulang na gagabihin siya sa pag-uwi dahil may proyekto silang gagawin sa isa nilang asignatura kaya nagtext na lang siya sa kaniyang ina “ Ma, late akong  uuwi ngayon sa bahay dahil may proyekto kaming gagawin ng aking mga kaklase”. Agad namang nagreply ang kaniyang  ina “O sige anak  basta mag-iingat ka”.

Pagkatapos naman ng klase ni Christian ay niyaya naman siya ng  kanyang mga kaibigan na maglaro ng League of Legends kaya sumama naman ito sa kanila.  Ngunit pagkatapos niyang maglaro ay umuwi naman siya agad sa kanilang bahay.

Alas otso na ng gabi nang matapos gumawa ng proyeto si Micah kasama ang kaniyang mga kaklase. Hindi na siya tumulong sa pagpulot ng mga kalat kundi nagpaalam na siya agad dahil  malayo pa ang kanyang uuwian. Labin limang minuto siyang naghintay sa kalsada  bago siya nakasakay ng traysikel. Dahil masikip ang daanan patungo sa bahay nila Sophie pinahinto na lang niya ang traysikel na kaniyang sinakyan nang malapit na ito sa kanilang tirahan, inabot na lang niya ang kanyang bayad at naglakad.

Habang naglalakad ay mayroon siyang na amoy na parang usok o kaya ay amoy sigarilyo, naisip naman niya na baka tinapong yosi lang iyon ng mga mahilig manigarilyo sa kanilang lugar. Lumakas ang amoy nito ng papalapit na siya sa puno ng akasya at dito ay nagsimula na siyang kabahan. Bumilis ang kaniyang paglakad, napahinto naman siya ng may nalaglag na mga dahon sa kaniyang harapan tumingin siya sa itaas ng puno at nagulat siya ng may nakita siyang kawangis ng isang lalaki na may kakaibang tangkad dahil na rin sa mahahaba nitong mga binti, mahabang buhok na nakaupo sa mga sanga ng puno habang naninigarilyo, napasigaw siya dahil sa takot at dito  ay nagsilaglagan na naman ng mga dahon, kaya naman kumaripas na ito ng takbo.

Hingal na hingal si Micah ng makarating siya sa kanilang bahay.Tinanong naman siya ng kanyang ina.

 O, anak anong nanayari sayo?

“Ma, tumakbo po ako dahil natakot po ako sa may puno ng akasya ng biglang nagsilaglagan ang mga dahon nito at nakita ko na may kapre na nakaupo sa sanga nito.

“Anak matagal na kasi ang punong akasyang iyon at ang sabi ng matatanda ay may kapreng nakatira doon. Hindi ba sinabi ko naman sa inyo na huwag kayong magpapagabi, sana nagpasundo ka nalang sa amin ng tatay mo.”

Dahil sa nangyari kay Micah, naisip ni Aling Ana na baka galit ang kapre sa puno ng akasya dahil sa pagputol ng ibang sanga nito. Matapos  maikuwento ni Micah ang nangyari sa kanya ay natulog na siya dahil sa takot .

TA-DAG! TA-DAG! TA-DAG!  Isang higanteng hakbang… nakakatakot… nakakapangilabot at nakakatindig balahibo! At sinasabayan ng alulong ng aso na nakaharap sa bilog na buwan!                                                                           AWOOOOO! AWOOOOO! AWOOOOO!

“Huwaaaggg! Maawa po kayo sa amin! Huwaaaggg!!!” ang sigaw ng natatakot na si Micah

Tok tok tok! Isang napakalakas na katok ang ginawa ni AIing Ana, hindi pa rin narinig ni Micah kaya pumasok nalang siya sa loob ng kwarto ng kaniyang anak.

“Micah! Micah! Micah! Gising! Gising! Gising Micah! Nanaginip ka na naman!” Pero ayaw pa itong magising kung kaya sinampal ito ng malakas na malakas ng kaniyang ina. Nagising si Micah at di maiiwasan nito ng mapahagulgol dahil sa mga napanaginipan niya.

“Ma, napaniginipan ko po  yung kapre na nakita ko sa akasya, nakakatakot po at parang galit na galit siya sa atin,” walang patid ang pag-iyak ni Micah

“Ssshh! Tahan na…Tahan na, okay? Sige, para mawala yung takot mo ay doon ka na lang matulog sa kwarto namin ng papa mo, okay?”

Kinabukasan ay pumunta sila sa puno ng akasya at humingi sila ng paumanhin dahil sa pagputol ng ibang sanga nito.  At mula noon ay hindi na nagpapakita ang kapre kay Micah.